Kinabukasan Balita

Substandard? ‘Pabahay, tinatanggihan ng Marawi siege victims’ — governor

Tinatanggihan umano ng mga residenteng biktima ng Marawi siege noong 2017 ang ipinatayong pabahay dahil umano sa substandard na pagkagawa.

Ito ang inamin ni Lanao del Sur Governor Mamintal Adiong sa isang panayam nitong Biyernes.

“Ang problema dito ‘yung mga housing, hindi lang masyadong maganda ang pagkakagawa. ‘Yung mga binibigyan, kusa nilang ina-award ‘yung mga bahay na ‘yan, mga nanggaling sa Ground Zero, hindi sila tumutuloy diyan dahil hindi maganda ang pagkakagawa, substandard,” paglalahad ni Adiong.

Aniya, halos tapos na ang kalsada sa lugar na nasira sa naganap na giyera sa pagitan ng tropa ng gobyerno at Maute terror group limang taon na ang nakararaan.

Ipinaliwanag ng gobernador, mabagal aniya ang naturang proyekto dahil ang mga housing unit ay hindi  pa kumpleto, dahil wala rin itong tubig.

“Maski napatayo na lahat ‘yung mga bahay diyan, ‘yung mga building, kung wala naman tubig, walang gustong tumira diyan,” anito.

“There are still some areas in Marawi-walang tubig… wala pang cables, ‘di pa magamit… no power supply. How can you expect people to return if there are no basic services?” katwiran ni Adiong.

Kamakailan, nangako ang mababang kapulungan ng Kongreso na imbestigahan nila ang rehabilitasyon sa Marawi City upang madetermina ang problema sa hindi matapos-tapos na proyekto.

Noong Mayo 23, 2017, nagsimula ang giyera sa pagitan ng mga awtoridad at mga teroristang suportado ng terrorist militant group na ISIS na nagresulta ng matinding pinsala sa lungsod.

Ang giyera ay tumagal hanggang Oktubre ng nasabi ring taon.

Kaugnay na Balita

Mainit na Balita

error: Content is protected !!