Kinabukasan Balita

Pamamanhikan

Narinig kong sinabi ng isang kakilala na nagtratrabaho sa civil registrar sa isang bayan dito sa lalawigan ng Quezon, na bumababa raw ang bilang ng nagpapakasal. Kaya nilang sabihin ang ganitong obserbasyon dahil sila ang nangangasiwa sa pagpapatala sa katayuan ng tao sa isang partikular na lugar. Lalong kayang sabihin ng kakilalang ito dahil ilang dekada na rin ang ginugol niya sa tanggapan.

Alam ng kakilala kong ito ang datos. Alam kung tumataas o bumababa ang bilang. Alam kung aling buwan maraming isinisilang o nagpapakasal o namamatay. Naihahambing nila ang dami sa bawat taon at kung ilang porsyento ang inaasahang dami o pagkaunti sa paglipas ng panahon.

Gayong bumababa raw ang bilang ng nagpapakasal, hindi naman daw bumababa ang dami ng isinisilang na sanggol. Itinanong ko ang posibleng dahilan. Maliban sa hawak nilang numero, wala na siyang maibigay na opinyon hinggil sa bumababang bilang ng nagpapakasal sa kanilang bayan.
Taglay ang nakalap kong impormasyon, naisip ko na kung ang pagbabatayan lamang ay mga nakikita ko sa social media, parang hindi ito ang nangyayari. Sa tagal kong nagtuturo, nakikita ko ang mga mag-aaral ko sa kolehiyo na nagsisipag-asawa na. Kumpleto. Mula sa proposal hanggang sa reception ng kasal, nakatanghal sa social media.

Sabi nga, masarap ipamahagi sa iba ang saya ng pag-iisang-dibdib. Kaya naman mistula nang isang produksyong pampelikula ang proposal lalo na ang mismong kasalan. Bihirang maipagmalaki kung hindi man magkaroon ng espasyo sa social media ang pamamanhikan.

Panhik ang salitang-ugat ng ‘pamamanhikan’ na natatangi sa ating kultura. Ang konsepto ng pagpanhik sa bahay kung saan nakatira ang babae upang doon, sa minsa’y literal na pagpanhik sa mismong bahay, magpapaalam sa magulang ng babae ang lalaki kasama ang kaniyang magulang. Ang pamamanhikan ay tanda ng paggalang sa mga magulang ng ikakasal.

‘Hihingin ang kamay’, matalinghaga pang dahilan kung bakit namamanhikan. Sa pamamanhikan dati, pinag-uusapan kung kailan ang kasal, kung saan gagawin, kung ilan ang inaasahang dadalo, sino ang mga ninong at ninang, ano ang handa at iba pang detalye. Subalit sa katagalan ng panahon, nagiging pormalidad na lamang ang pamamanhikan dahil napagkasunduan na ng ikakasal ang lahat ng detalye. At kung may kakayahan din lang, nakakuha na ng propesyonal na wedding planner na siyang bubuo sa pangarap na kasalan.

Ang ‘bodabil’ ng SONA

Bagong Kongreso

Literacy at numeracy sa K to 3 kailangang tutukan

Kung bakit ito ang naging paksa ko ay nakadalo ako sa isang kasalan. Unang pagkakataon buhat nang magkaroon ng pandemya. Ikinasal ang kapatid ng aking misis na si Gerald sa kaniyang matagal nang kasintahan na si Danabel.

Nasaksihan naming mag-asawa ang tiyaga upang maisaayos ang kasalan sa kabila ng mga pangamba at peligro. Noong Marso, saksi kami nangyaring ‘pamamanhikan’ kahit pa sa isang restaurant sa Makati ginawa ang pagpapakilala ng ikakasal sa kanilang mga magulang. Maayos na rin ang detalye. Sabi nga, dadalo na lang, wala nang iintindihin.

Ako ang naatasang mamuno sa toast o tagay para sa paghahangad na maging maligaya habampanahon ang bagong kasal na habang tumatagal, kung paniniwalaan ang estadistika, ay nagiging pambihira.

***

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa [email protected] o sundan ninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes

Kaugnay na Balita

Mainit na Balita

error: Content is protected !!