Kinabukasan Balita

Lalaking sangkot daw sa cyber fraud, timbog sa entrapment

Nadakip ng mga otoridad ang isang lalaking sangkot umano sa cyber fraud at gumagamit ng social media accounts ng ibang tao upang makapanghingi ng pera, sa isang entrapment operation nitong Linggo ng gabi sa Ermita, Manila.

Ang suspek ay nakilalang si Daniel Labartin, 23, ng Block 38, Alimasag Alley, Dagat-dagatan, Caloocan City.

Si Labartin ay inaresto matapos na ireklamo ng magpinsang sina Mary Ruth Bangalan, 45, at Anthony Sevilla, 47, kapwa residente ng Tondo, Manila.

Batay sa ulat ng Special Mayor’s Reaction Team (SMART) na pinamumunuan ni PLTCOL Rosalino Ibay Jr., nabatid na dakong alas-8:10 ng gabi nang maaresto ang suspek sa parking area ng Manila City Hall na matatagpuan sa Antonio Villegas St., sa Ermita.

Nauna rito, nagtungo umano sina Bangalan at Sevilla sa tanggapan ng SMART at inireklamo ang suspek ng Cyber Fraud dahil sa paggamit umano nito sa Facebook at Messenger account ni Sevilla upang makapang-scam at makapanghingi ng tig-P500 mula sa kanyang mga kaibigan at kamag-anak.

Sinasabi umano ng suspek na ang pera ay gagamitin ng biktima para sa kanyang pagpapagamot.

Kaagad namang nagkasa ng isang entrapment operation ang mga pulis, sa pangunguna ni PCPT Joemar Mukarram, na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek.

Nakumpiska mula sa suspek ang P500 na marked money na ginamit sa operasyon at isang unit ng Redmi 6A Cellphone na hinihinalang ginagamit nito sa kanyang ilegal na aktibidad.

Lumitaw rin naman sa imbestigasyon ng mga otoridad na ilang kaibigan at kaanak na ni Sevilla ang naloko at nahingian ng pera ng suspek.

Si Labartin ay nakapiit na at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act No. 10175 Sec. 4 (a)(1) (Illegal Access) at Article 315 2(a) ng Revised Penal Code (Swindling/Estafa) sa piskalya. 

Kaugnay na Balita

Mainit na Balita

error: Content is protected !!