Kinabukasan Balita

Karla Estrada, lumobo na raw ulo; iba pang celebrities, yumabang at nakalimot na?

Napag-usapan sa “Showbiz Now Na” entertainment vlog ni showbiz columnist Cristy Fermin, co-host na si Morly Alinio, at guest co-host na si Wendell Alvarez ang mga artistang sa palagay nila ay “nalunod sa isang basong tubig” ng kasikatan.

Lapag ni Wendell, ang kaniyang naiisip daw at batay na rin sa mga sinasabi ng mga taong nakapaligid, ay si Unkabogable Star Vice Ganda. Simula raw nang sumikat at maging milyonaryo ito dahil sa mga proyektong ibinibigay sa kaniya ay tila nakalimot na raw itong lumingon sa pinanggalingan.

Si Morly naman, tahasang sinabi na para sa kaniya, ito naman ay si Momshie Karla Estrada, na personal niya umanong kakilala. Inungkat ni Morly ang mga panahong hindi pa ganoon kasikat si Karla at wala pa umano itong mga raket.

“Ate Cristy, ‘yang si Karla, nangangarap talaga ‘yang maging artista, maging singer. Lahat ng reporters, kinakaibigan niya. Maging sino. Pero nitong lumaki ang pangalan ng kaniyang anak na si Daniel Padilla, lumobo ang ulo niya,” diretsahang sabi ni Morly.

Isinalaysay naman ni Cristy na noong kabataan ni Karla, dinala raw umano ito sa ‘Mariposa’ at pinakanta ng ‘Wind Beneath my Wings’. Hindi pa raw magaling kumanta si Karla noon at sintunado pa.

Nasubaybayan daw nila ang pagpasok sa showbiz ni Karla, lalo na nang maging bahagi ito ng “That’s Entertainment” ng sumalangit nawang si Kuya Germs sa GMA Network noon.

Hanggang sa unti-unti na nga raw nagkapangalan si Karla.

May ibinahagi pa si Wendell na hindi na raw maalala ni Karla ang mga taong nakatulong sa kaniya noong nagsisimula pa lamang siya.

“Never ka niya maaalala Ate Cristy, lalo na kapag nagkita kayo, ‘Ay ikaw yung tv reporter na sumusulat sa akin…’ ‘Ikaw yung tv reporter na lagi kong nakakasama…’ Ngayon hindi na, nagpapaypay na lang ng pera,” giit ni Morly.

“Samantalang dati kapag may mga shows tayo, umaangkas siya kahit na ₱2K, 3K ang talent fee… yung sumikat si Daniel, nahawa siya sa pagsikat, nabigyan ng opportunity, doon nagsimula ang kaniyang paglobo (ng ulo),” segunda naman ni Cristy.

Naalala pa umano ni Morly na kapag may show daw ang anak niya, ayaw daw magbaba ng presyo ni Karla.

Marami raw siyang mga kakilala noon na hindi na kakilala ngayon, sey pa ni Morly.

“Lalong-lalo na yung mga pinagkakautangan niya, yung mga panahong walang-wala siya… pinangungutang siya kahit hatinggabi o madaling-araw, wala na ‘yon… hindi na niya naaalala. One time, nakita nga niya yung isang pinagkakautangan niya… tiningnan lang, hindi man lang binati,” kuwento pa ng showbiz columnist.

Kaiba naman ang kuwentong ito sa ibinahagi ng impersonator na si KaladKaren Davila, matapos nitong amining si Momshie Karla raw ang tumulong sa kaniya upang malagyan ng enggrandeng sofa set ang kaniyang sariling condo unit.

Si Cristy naman, para sa kaniya, ang artistang lumaki nang husto ang ulo ay ang sexy actress na si Rosanna Roces. Nakita raw niya ang pagsisimula nito sa showbiz. Noon ay simple lamang itong namumuhay kasama ang mga anak. “Ana Maceda” pa ang screen name nito noon.

“Si Rosanna po, simula nang lumaki ang pangalan, wala na siyang pinipiling kaaway,” ani Cristy. “Lahat kinakaya na niyang banggain…. ako… sobra-sobrang pambabastos talaga ang ginawa niya sa akin.”

Nabanggit din nila sina Ynez Veneracion, Claudine Barretto, at Coco Martin.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Karla tungkol dito gayundin ang iba pang mga celebrities na binanggit sa entertainment vlog.

Kaugnay na Balita

Mainit na Balita

error: Content is protected !!