Kinabukasan Balita

Gina Pareño umaming miyembro rin ng LGBTQ: Oo, bakit? May problema?

Gina Pareño

DIRETSAHANG inamin ng award-winning veteran actress na si Gina Pareño na isa rin siyang proud member ng LGBTQIA+ community.

Nagkuwento ang beteranang aktres tungkol sa isang taong naging bahagi ng kanyang buhay na talagang minahal daw niyang nang bonggang-bongga.

Ayon sa 75 years old na aktres, ang tinutukoy niya ay ang dating aktres (noong dekada 50) na si Nenita Vidal o “Dra. Bong” na matagal nang sumakabilang-buhay.

Sa vlog ng talent manager at YouTuber na si Ogie Diaz, naibahagi ni Gina kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin niya nakakalimutan si Dra. Bong na tunay daw niyang minahal.

Ayon kay Ogie, ilang beses na silang nagkatrabaho ni Gina Pareño at  palagi raw nitong bitbit ang urn kung saan nakalagak ang abo ni Dra. Bong.

Pahayag ni Gina, “Marami akong utang na loob doon. Nasa kuwarto ko pa rin yung urn niya.”

Tanong ni Ogie, bakit daw parang ayaw niyang i-let go si Dra. Bong? “Hindi naman sa ayaw kong i-let go. Ang dami kong utang na loob doon, ‘tsaka mabait sa akin. Tinuturuan ako, ine-educate niya ako.”

Dugtong pang kuwento ng premyadong aktres, “Dati siyang artista, e, si Nenita Vidal. Napapanood pala niya ako. So, gusto na niya ang arte ko, ganu’n-ganu’n, naging close ako sa kanya.”

“Tinuruan niya ako kung paano kumilos, lahat. Tapos yun nga, ibinigay niya sa akin yung naiwan niyang bahay. Mahal na mahal ako nun,” ang maluha-luhang pagbabahagi ni Gina.

Ilan sa mga itinuro sa kanya ni Dra. Bong, “Unang-una, in-educate niya ako pati yung sa mga drugs-drugs, pati sa pagkilos ko. Daming bagay. Ang dami kong utang na loob sa kanya.”

Bukas naman sa publiko na nalulong noon sa ipinagbabawal na gamot ang aktres ngunit matapos magpa-rehab hindi na siya kailanman bumalik sa nasabing bisyo.

Sunod na tanong ni Ogie, “Kaya mo bang aminin na miyembro ka ng LGTBQ?”

“Oo! Oo, bakit? May problema?” ang sagot ng aktres sabay tawa kaya humalakhak na rin si Ogie.

Sa ngayon daw ay wala na siyang balak makipagrelasyon uli, sarado na raw ang kanyang puso pagdating sa usaping pag-ibig.

“Ay, wala na, pack up na ako diyan. Wala na po,” diin niya.

Sa isang bahagi ng vlog, naging emosyonal din si Gina nang amining miss na miss na niya ang acting. Mula raw nang magkapandemya ay nawalan na siya ng projects.

“Gustung-gusto ko pa hong umarte. Sana makasama ko kayong muli. Sana mabigyan ako ng role. Nakakalungkot parang wala nang nagmamahal sa akin. Hindi ako nakakaarte, e,” pahayag ni Gina Pareño.

Gina Pareño ‘milyonarya’ na rin sa TikTok: Lahat ng comments sinasagot ko, naglalamay po ako

Gina Pareño nakiusap na bigyan uli siya ng trabaho: Baka kasi mauwi na ako sa mental nito!

Andrea Brillantes naloka sa regalo ni Dra. Vicki Belo

Kaugnay na Balita

Mainit na Balita

error: Content is protected !!