Kinabukasan Balita

Ama ni Dr. Yumol, binabantayan na ng mga pulis bago itumba — PNP official

Nakalusot pa rin ang riding-in-tandem at itinumba ang ama ng suspek sa pamamaril at pagpatay sa tatlo katao sa Ateneo de Manila University kamakailan na si Dr. Chao Tiao Yumol, kahit binabantayan na ng mga pulis sa Lamitan City nitong Biyernes ng umaga.

Sa panayam sa telebisyon, binanggit ni Basilan Provincial Police Director Col. Pedro Martirez na nitong Huwebes ay iniutos na niya sa mga tauhan nito na bantayan ang ama ng doktor na si Roland Yumol, 69, kasunod ng insidente ng pamamaril sa nasabing paaralan.

“Meron tayong tropa na nagbabantay sa kanya kahapon. Sinabihan siya na wag masyadong lalabas. Hintayin munang bumalik ang tropa natin para mabigyan sila ng protection,” paliwanag ni Martirez nitong Biyernes na ang tinutukoy ay si Roland.

“Unfortunately ‘yun na, ‘di rin inaasahan. Meron din siyang nakuhang baril sa kanya pero naunahan kasi. Apat na tama ng bala sa kanyang likuran at mabilis ang pangyayari. Nakaalis na agad ang mga suspect na nakasakay sa motor,” pahayag ni Martirez.

Sinabi ni Martirez na iniimbestigahan pa nila ang kaso upang matukoy ang dalawang suspek at motibo ng mga ito.
Kaugnay nito, mahigpit na ang ipinaiiral na seguridad sa pamilya ni Yumol upang hindi na lumala ang sitwasyon.

“‘Yun ang preventive measure na naisip natin ng ating kapulisan at naisip ko rin para sa ganoon… ma-protect ang family ni Yumol at pamilya ng ating ex-Mayor Rose Furigay,” sabi ni Martirez.

“Accordingly, ‘yung family po ng biktima na si Rolando Yumol, wala na po sa area. ‘Yung asawa at isang anak. Wala na po sila doon pero binabantayan pa rin natin ‘yung bahay na pinangyarihan ng krimen,” anito.

Matatandaang pinagbabaril at napatay ni Dr. Yumol si dating Lamitan City Mayor Rose Furigay, tauhan nito na si Victor Capistrano, at security guard na si Jeneven Bandiala sa loob ng nasabing paaralan nitong Hulyo 24.

Dadalo sana sa graduation ceremony ng anak si Furigay sa Ateneo nang pagbabarilin ng nasabing doktor.

Kaugnay na Balita

Mainit na Balita

error: Content is protected !!