Kinabukasan Balita

₱163.3M jackpot prize ng Ultra Lotto 6/58, naiuwi ng taga-Rizal

Naiuwi ng isang taga-Rizal ang tumataginting na ₱163.3 milyong jackpot prize ng Ultra Lotto 6/58 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Biyernes ng gabi, Agosto 5, 2022.

Sa paabiso ng PCSO nitong Sabado, nabatid na matagumpay na nahulaan ng lucky bettor ang six-digit winning combination ng Ultra Lotto 6/58 na 04 – 46 – 58 – 20 – 34 – 28 kaya’t solo nitong naiuwi ang katumbas na jackpot prize na ₱163,365,304.40.

Nabili umano ng mapalad na mananaya ang kanyang lotto ticket sa Taytay, Rizal.

“Winning ticket for Ultra Lotto 6/58 Game bought from Taytay, Rizal won the jackpot prize of ₱163,365,304.40 for August 5, 2022 draw,” anang PCSO.

Upang makubra ang kanyang premyo, kailangan lamang ng mapalad na mananaya na magtungo sa punong tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City at iprisinta ang kanyang lucky ticket at dalawang balidong identification cards.

Hinikayat rin ng PCSO ang publiko na patuloy na tangkilikin ang kanilang mga palaro upang magkaroon ng tiyansang maging susunod na milyonaryo at makatulong pa sa kawanggawa.

Samantala, mayroon rin namang 17 mananaya ang nagwagi ng second prize na tig-₱120,000 matapos na makahula ng tig-limang tamang numero.

Ang Ultra Lotto 6/58 ay binobola tuwing Martes, Biyernes at Sabado. 

Kaugnay na Balita

Mainit na Balita

error: Content is protected !!